Kanina, habang nakasakay ako sa jeep pauwi, nagkaron ng away.
Sa una, sigawan. May tinatawag na bastos yung isang lalake, pinapababa nya ng jeep yung sinisigawan nya. Konting dagdag sa away, konting dagdag sa lakas ng sigaw.
Pangalawa, may suntok na binato yung nanigaw. Sa una, iisipin mong kupal yung nanapak. Bayolente. Walang modo. Pala-away. Siraulo. Madami kang maiisip, pero malamang makakaramdam ka ng takot. Ako, syempre, unang naisip ko, “pucha nagsasapakan na sila”.
Napahinto yung jeep, sumigaw yung driver, umupo yung nagbato ng unang suntok sa mukha. Kung andon ka manlalaki mata mo sa pagka-solido nung suntok. Isipin mo nakasandal ka na nga, nadiin pa yung mukha mo sa pader pagkatapos kang suntukin. Ganon ka-solid.
Pangatlo, pinipigil na yung nanapak pagtapos nyang magbato ng 3 or 4 pang suntok. Tinawag na lasing yung sinuntok nya, at pinapababa uli ng jeep. Sa una ayaw nung sinisigawan, pero ‘di naman siya pumapalag.
Pagkatapos ng ilang sigundo ng tensyon sa jeep, tinulak palabas nung nanuntok yung lasing. Nalaglag yung lasing sa jeep, hindi nakababa ng maayos. Pag tingin ko sa labas, naka-upo lang siya don. Nahihilo pa rin, hindi ko alam kung dahil lasing siya o dahil hilo sa mga suntok na nakuha ng mukha nya.
Kaya pala nagkaron ng away, nanghihipo yung lasing sa babaeng katabi nya. Di ko naiwasang mapansin, may itsura naman yung babae, siguro kaya naisipang mang-gago nung lasing.
Di ko napansin na nagpasalamat yung babae sa lalake, kahit pagbaba naming tatlo ng jeep.
Naisip ko, pano kung ako yung nakakita ng ganon? Aabot ba ako sa puntang mananapak ako? O kahit papano man lang, pano ako aakto sa ganon pag ako nakakita? Sigurado ako, may gagawin ako. Hindi ako tanga para bastang pabayaan ang babae kung binabastos siya ng ganon. Hindi ko nga lang talaga alam kung anong gagawin ko para huminto yung lalake.
Siguro, sisigawan ko muna ng sobra. Pag nag-angas, bahala na.
Napa-isip rin tuloy ako kung gano kadalas nangyayari yung ganon sa mga jeep, bus, FX, o kahit anong pwede sakyan pam-byahe. Pero ang mas magandang tanong, kung ilang Pilipino nga ba ang makikialam kung may nakita silang ganon. Oo, specifically, Pilipino yung tinatanong ko. Kitang kita na kasi sa’tin madalas yung “kung wala akong kinalaman dyan, ‘di ako makiki-alam” na mentality.
Nakakatakot isipin, pero minsan parang kahit ibang tao sa paligid mo, ‘di madaling gawing kakampi no?


